O

Ang Kalagayan ng Babae sa Islam

Bago natin pag-usapan ang tungkol sa mga karapatan ng babae sa Islam, kailangang linawin muna natin ang ilang mga pananaw sa babae ng ibang mga bansa noon at kung papaano nila siyang tinatrato. Ang mga babae sa mga Griego noon ay naipagbibili at nabibili. Wala siyang anumang mga karapatan sa halip ang lahat ng mga karapatan ay nasa lalaki. Siya ay pinagkakaitan din noon ng karapatang magmana o ng karapatan na mgasiwa ng sariling ari-arian. Sinabi pa nga ng kanilang bantog na Pilosopo na si Socrates: "Ang pagkakaroon ng babae ang siyang pinakamalaking dahilan at pinagmumulan ng pagkasira sa mundo. Ang babae ay nakakawangis ng nakalalasong punong-kahoy na ang panlabas na anyo nito ay maganda subalit sa sandaling nanginain dito ang mga maya, mamamatay kaagad ang mga ito."

Ang mga Romano naman ay naniniwala noon na ang babae ay walang kaluluwa. Wala siyang anumang halaga sa kanila at wala rin siyang mga karapatan. Ang bukang-bibig nila noon ay "Ang babae ay walang kaluluwa." Dahil doon ang mga babae ay naparurusahan sa pamamagitan ng pagbuhos ng kumukulong langis sa kanilang mga katawan at sa pamamagitan ng pagtatali sa kanila sa mga poste. Hindi lamang iyon, itinatali pa nga nila ang mga inosenteng babae sa mga buntot ng mga kabayo at pinatatakbo ang mga ito nang ubod ng bilis hanggang sa mamatay ang mga babae.

Ganoon din ang pananaw ng mga taga-India. At karagdagan pa roon, sinusunog nila ang kapag namatay ang kanyang asawa.

Itinutulad noon ng mga Intsik ang babae sa isang tubig na tumatangay sa kaligayahan at yaman. Ang isang lalaking Intsik noon ay may karapatang ipagbili ang kanyang maybahay at may karapatan din siyang ilibing ito ng buhay.

Ang mga Hudyo naman ay nagtuturing sa babae na isang sumpa dahil siya ang tumukso kay Adan at nag-udyok na kainin ang bunga ng ipinagbabawal na puno. Itinuturing din nilang ang babae ay marumi kapag siya ay nireregla at nagiging marumi ang bahay at ang lahat ng mahawakan niya. Hindi rin siya magmamana ng kahit ano buhat sa kanyang ama kapag siya ay may mga kapatid na lalaki.

Ang tingin naman ng mga Kristiyano noon sa babae ay siya ang pinto ng Demonyo. May isa pang Kristiyanong may mataas na katungkulan sa relihiyong Kritiyano ang nagsabing ang babae ay hindi nauugnay sa lahi ng tao. Nagsabi naman ni San Buenaventura: "Kapag kayo ay nakakita ng isang babae ay huwag ninyong isiping kayo ay nakakita ng isang tao ni isang hayop—ang inyong nakita lamang ay si Satanas mismo at ang tinig na naririnig ninyo ay ang huni ng ulupong."

Ang mga babaeng Inglis, alinsunod sa Pangkalahatang Batas ng Inglatera (English Common Law) hanggang sa kalagitnaan ng nagdaang siglo (ikalabinsiyam na siglo), ay nanatiling hindi ibinibilang na mga mamayan. Wala silang mga karapatang personal at wala ring karapatang magmay-ari ng anumang bagay pati na ang mga damit na kanilang isinusuot. Nagpasya noong 1567 ang Parlamento ng Scotland na ang babae ay hindi pinahihintulutan na pagkalooban ng awtoridad sa anumang bagay. Pinagbawalan naman ng Parlamento ng Inglatera noong panahon ni Haring Henry II ang babae na magbasa ng Bibliya sapagkat diumano siya ay marumi. Noong 586, nagdaos ang mga Pranses ng isang komperensiya upang talakayin kung ang babae ba ay tao o hindi tao. Kinilala nilang ang babae ay tao ngunit siya ay nilikha para paglingkuran ang lalaki. Ang batas ng Inglatera hanggang sa taong 1805 ay nagapapahintulot sa lalaki na ipagbili ang kanyang maybahay, at itinakda pa nga ang halaga ng maybahay sa anim na sterling pennny (kalahati ng schilling).

Sa mga Arabe naman bago dumating ang Islam ang babae ay isang hamak, hindi nagmamana, hindi pinahahalagahan, at walang mga karapatan. Hindi lamang iyon, ang maraming pa sa kanila noon ay naglilibing nang buhay sa kanilang mga anak na babae.

Pagkatapos ay dumating ang Islam upang alisin ang lahat ng kawalang-katarungan na ito sa babae at upang linawin na siya at ang lalaki ay pantay. Kaya naman siya ay may mga karapatan din kung papaanong ang lalaki ay may mga karapatan. Nagsabi si Allah (49:13): "O mga tao, tunay na Kami ay lumikha sa inyo buhat sa isang lalaki at isang babae at gumawa sa inyo na mga bansa at mga lipi upang magkakilalahan kayo. Tunay na ang pinakamarangal sa inyo para kay Allah ay ang higit na nangingilag sa inyo na magkasala. Tunay na si Allah ay Nakaaalam, Nakababatid." Sinabi pa Niya (4:124): "Ang mga gumawa ng mga matuwid—maging lalaki man o babae—habang sila ay sumasampalataya, ang mga iyon ay magsisipasok sa Paraiso at hindi sila gagawan ng kawalang-katarungan ni katiting man." At sinabi pa Niya (:15): "At tinagubilinan Namin ang tao na sa mga magulang ay gumawa ng magaling. …" Nagsabi naman ng Propeta (SAS): "Ang pinakaganap ang pananampalataya sa mga mananampalataya ay ang pinakamaganda ang mga asal sa kanila, at ang pinakamabuti sa inyo ay ang pinakamabuti sa kanilang mga maybahay." Nasasaad din sa Hadith na may isang lalaking nagtanong sa Propeta (SAS): "Sino po sa mga tao ang lalong karapat-dapat sa magandang pakikisama ko?" Nagsabi siya (SAS): "Ang iyong ina." Nagsabi ito: "Pagkatapos ay sino pa po?" Nagsabi muli siya (SAS): "Ang iyong ina." Nagsabi muli ito: "Pagkatapos ay sino pa po?" Nagsabi mula siya (SAS): "Ang iyong ina." Nagsabi muli ito: "Pagkatapos ay sino pa po?" Nagsabi siya (SAS): "Ang iyong ama." Ito, sa maikling salita, ang pananaw ng Islam sa babae.

 

Ang Pangkalahatang Karapatan

Ang babae ay may mga pangkalahatang karapatan na dapat niyang malaman at kilalanin ng lahat upang kanya itong matamasa nang lubusan kung kailan man niya ito naisin at gustuhin. Ang kabubuan ng mga karapatang ito ay ang sumusunod:

1. Ang karapatang magmay-ari. Ang babae ay may karapatang magmay-ari ng anumang naisin niya (kung kaya niya) gaya ng mga bahay, mga lupain, mga pagawaan, mga pataniman, ginto, pilak, at iba't ibang mga uri ng hayop—maging siya man ay isang maybahay o isang ina o isang anak o isang kapatid.

2. Ang karapatang mag-asawa, pumili ng asawa, tumutol na ipakasal sa lalaking ayaw niya, at humingi ng diborsiyo kapag nagdurusa sa piling ng asawa. Ang mga ito ay mga karapatang napagkaisahan ng mga pantas ng Islam na nauukol sa babae.

3. Ang karapatang matuto ng lahat ng kanyang kailangan tulad ng kaalaman tungkol kay Allah, kaalaman tungkol sa pagsamba sa Kanya at kung papaanong isasagawa ang mga ito, at kaalaman tungkol sa mga tungkuling kailangang gampanan niya, mga kagandahang asal ukol sa kanya, at mga pag-uugaling mahusay na kailangan taglayin niya. Batay ito sa pangakalahatang kauutusang nasasaad sa sinabi ni Allah (47:19): "Kaya dapat na malaman mo na walang Diyos kundi si Allah, …" at sa sinabi ng Sugo (SAS): "Ang paghahanap ng kaalaman ay tungkulin ng bawat Muslim at Muslimah."

4. Ang karapatang magkawanggawa ng anumang naisin niya buhat sa ari-arian niya at gumugol buhat dito para sa sarili niya at para sa kanino mang naisin niya gaya ng asawa, mga anak, at mga magulang hangga't hindi humahantong ang paggugol sa pag-aaksaya. Ang nauukol sa kanya sa sa usaping iyon ay ang nauukol din sa lalaki.

5. Ang karapatang magmahal at masuklam: may karapatan siyang mahalin ang mga matutuwid na babae, dalawin, sila pagkalooban sila ng regalo. Maaari rin niya silang sulatan, alamin ang kanilang kalagayan at aliwin sa kanilang dalamhati. Karapatan niyang kasuklaman at kamuhian ang mga babaeng tiwali at iwasan sila alang-alang kay Allah.

6. Ang karapatang maghabilin ng hanggang sa ikatlong bahagi (1/3) ng kanyang ari-arian habang nabubuhay pa at ipatutupad naman sa kanyang pagyao nang walang pagtutol sapagkat ang paghahabilin ay personal na karapatan ng lahat. Kung paanong ito ay maaari sa lalake, maaari rin sa babae sapagkat walang sinuman ang hindi mangangailangan ng gantimpala ni Allah. Ngunit sa kundisyong hindi niya—at gayon din ang lalaki—palalampasin ang habilin sa ikatlong bahagi (1/3) ng kabuuan ng personal na ari-arian. Karagdagan pa rito, may karapatan din ang babae na magmana sa maiiwang ari-arian ng kanyang magulang, asawa, at mga kamag-anak.

7. Ang karapatang magsuot. May karapatan siyang isuot ang anumang maibigan niya gaya ng seda at ginto—na ipinagbawal sa mga kalalakihan—ngunit wala siyang karapatang maghubad ng kasuutan, mag-alis ng damit, magsuot ng maiiksing damit, o mag-alis ng belo sa ulo, o palitawin ang leeg at dibdib maliban kung ang kanyang asawa lamang ang kanyang kapiling.

8. Ang karapatang magpaganda para sa asawa. Maaari siyang gumamit ng eye-liner, pulbos, lipstick at iba pang make-up kung ibig niya; magsuot ng pinakamaganda at pinakamagandang hiyas maliban sa mga damit na kilalang gamit ng mga hindi Muslimah o kilalang gamit ng mga kalapating mababa ang lipad, hindi niya isusuot ang mga ito upang maiwasang mapagdudahan.

9. Ang karapatan sa pagkain at inumin. Maiinom at makakain niya ang masarap at mabuti para sa kanya. Walang ipinagkaiba ang babae sa lalaki pagdating sa pagkain at inumin. Ang anumang ipinahintulot na pagkain at inumin ay kapwa ipinahihintulot sa mga lalaki at mga babae at ang anumang ipinagbawal sa mga ito ay kapwa bawal sa lalaki at babae. Sinabi ni Allah (7:31): "… At magsikain at magsiinom kayo ngunit huwag mag-aksaya; tunay na Siya ay hindi nagmamahal sa mga nag-aaksaya." Ang talatang ito ay angkop sa kapwa babae at lalake.

 

Ang mga Karapatan ng Babae sa 

Kanyang Asawa

Kabilang sa mga natatanging karapatan ng babae ay ang kanyang mga karapatan sa kanyang asawa. Ang mga karapatan na iyon ng babae ay katumbas ng mga itinakdang tungkulin niya sa kanyang asawa. Ang mga ito ay ang tulad ng pagsunod sa asawa sa mga bagay na hindi pagsuway kay Allah o sa Sugo Niya (SAS), paghahanda ng kanyang pagkain at inumin, pag-aayos ng bahay, pagpapasuso sa mga anak nito at pag-aalaga sa kanila, pangangalaga sa kanyang mga ari-arian at karangalan, pagkalinga sa kanyang sarili, pagpapaganda at paggamit ng pampaganda para sa ikasisiya ng asawa, na mga ipinahihintulot na iba't ibang uri ng mga pampaganda.

Ito naman ang ilan sa mga karapatan ng babae na tungkuling gampanan ng lalaki sa kanya batay sa sinabi ni Allah (2:228): "… At sila na mga babae ay may karapatang katulad ng tungkulin nila ayon sa kung ano ang makatuwiran; …" Babanggitin natin ang mga ito upang malaman ng isang Muslimah at hilingin ang mga ito sa kanyang asawa nang walang halong hiya at pangamba. Tungkulin naman ng asawa na ibigay ang mga ito nang buo sa kanyang maybahay maliban na lamang kung ipagpaparaya niya ang iba pa niyang mga karapatan sapagkat karapatan niya rin iyon.

1. Ang pagsustento sa maybahay ayon sa kalagayan ng asawa: sa kagipitan man o sa kaginhawahan. Nasasakop ng sustento ang kasuutan, pagkain, inumin, gamot, at tirahan.

2. Ang pangangalaga sa kanya: sa karangalan niya, sa katawan niya, sa ari-arian niya, at sa relihiyon niya, yaman din lamang na ang asawa ang tagapangalaga ng maybahay, at ang tungkulin ng tagapangalaga ng anuman ay ang pag-ingatan ito at ang pangalagaan ito.

3. Ang pagtuturo sa kanya ng kinakailangang mga kaalaman tungkol sa pananampalataya. Kung hindi kaya ng asawa na gawin iyon, pahihintulutan ito na matuto sa pamamagitan ng pagdalo sa mga aralin para sa mga kababaihan na idinaraos sa mga Masjid, sa mga paaralan o sa iba pang lugar kung may katiyakang walang mangyayaring masama, kapinsalaan sa kanya at sa asawa.

4. Ang mabuting pakikitungo sa kanya sapagkat ang sabi ni Allah (4:19): "…At pakitunguhan ninyo sila ayon sa kung ano ang nakabubuti. …" Kabilang din sa mabuting pakikitungo sa kanya ay hindi ipagkakait sa kanya ang pangangailangan niyang seksuwal, at hindi siya sasaktan sa pamamagitan ng panlalait o pag-insulto o paghamak o pagmaliit. Bahagi pa rin ng mabuting pakikitungo sa maybahay ay hindi siya pipigilang dumalaw sa mga kamag-anak niya kung walang kinanatatkutan na masamang maaaring mangyari sa kanya, hindi siya aatangan ng gawaing niya makakaya, at maging mabuti sa kanya sa salita at sa gawa sapagkat ang sabi ng Sugo (SAS): "Ang higit na mabuti sa inyo ay ang higit na mabuti sa kanyang maybahay, at ako ang higit na mabuti sa inyo sa aking maybahay." at ang sabi pa niya: "Walang nagpaparangal sa mga babae kundi marangal at walang humahamak sa kanila kundi hamak."

 

Ang Hijab (1)

Hangad ng Islam na pangalagaan ang pamilya sa pagkalansag at pagguho. Pinaligiran nito ang pamilya ng matatag na pader ng mga kagandahang asal at moralidad upang manatiling ang mga kaluluwa ay malusog at ang lipunan ay malinis: hindi naaantig ng mga malaswang hilig at hindi nabubulabog ng mga tawag ng laman. Naglagay na ito ng mga hadlang upang pigilin ang mga pampapaantig na nag-aanyaya sa tukso. Kaya ipinag-utos nito sa panig ng lalaki at babae na ibaba ang tingin.

Isinabatas ni Allah ang Hijab para sa babae bilang pagpaparangal sa kanya, upang pangangalagaan ang kanyang karangalan laban sa kadustaan at kahihiyan, upang ilayo siya sa panliligalig ng mga buktot at mga halang ang kaluluwa, upang ipagsanggalang siya laban sa mga taong hindi kumikilala sa halaga at kabuluhan ng kagandahang asal, upang ipinid ang pinto ng tukso na idinudulot ng nakalalasong tingin, at upang bakuran ang kanyang dignidad at ang kanyang puri ng muog ng paggalang at pagpapahalaga.

(1) Ang Hijab sa literal na kahulugan nito ay tabing. Ngunit ayon sa pakahulugan nito sa Batas ng Islam, ang Hijab ay ang pagsusuot ng kasuutang bumabalot sa buong katawan ng isang babae kapag nasa harap ng mga hindi niya Mahram.

Nagkaisa na ang mga pantas ng Islam na, maliban pa sa mukha at mga kamay, ang buong katawan ng isang babae magmula sa ulo ay kailangang takpan, hindi ipakikita at na tungkulin niyang hindi ilahad ang kanyang kagandahan at pang-akit sa harap ng mga lalaking hindi niya Mahram. Nahati ang mga Iskolar ng Islam sa dalawang pangkat hinggil sa usapin ng mukha at mga kamay.(1) Ang bawat pangkat ay may mga patunay na pinagbabatayan ng kanilang paninindigan. Kaya maraming mga patunay ang lumitaw hinggil sa Hijab, sa tungkuling isuot ito, at sa pagtatakda ng bahagi ng katawan na kailangang takpan. Ang bawat pangkat ay humahango ng patunay sa isang kalipunan ng mga patunay buhat sa maraming mga patunay. Itinutuon naman nila sa iba't ibang mga dako ang mga patunay na lumilitaw na salungat sa kanilang pananaw.

Ito ang Ilan sa Kanilang mga Patunay:

Sinabi ni Allah (33:53): "… At kapag tatanungin ninyo sila hinggil sa isang bagay ay tanungin ninyo sila sa likod ng Hijab. Iyan ang higit na dalisay para sa inyong mga puso at sa kanilang mga puso. …"

Sinabi pa Niya (33:59): "O Propeta, sabihin mo sa iyong mga maybahay at sa iyong mga anak na babae at sa mga kababaihan ng mga Mananampalataya na ilaylay nila ang kanilang mga balabal sa mga katawan nila. Iyan ang lalong angkop nang sa gayon ay makilala sila upang hindi sila pinsalain. At si Allah ay laging Mapagpatawad, Maawain."

Sinabi pa Niya (24:31): "At sabihin mo sa mga babaeng mananampalataya na magbaba sila ng kanilang mga paningin, pangalagaan nila ang kanilang mga puri, huwag nilang ilitaw ang kanilang gayak maliban sa nakalitaw(2) na buhat dito, paabutiin nila ang kanilang mga belo hanggang sa kanilangmga dibdib, huwag nilang ilantad ang kanilang gayak maliban sa kanilang mga asawa,…"

(1) Ang isang pangkat ay nagsasabing kailangang takpan ang mukha at ang mga kamay, samantalang ang ibang pangkat naman ay hindi naniniwalang kailangang takpan ang mukha at ang mga kamay.

(2) maliban sa nakalitaw na: Gaya ng kamay, panlabas na kasuutan, belo, medyas, at mukha. Ang ibang mga pantas ng Islam ay hindi sumasang-ayong ilantad ang kamay at mukha.

Ayon sa Hadith na nagsasaad na si 'A'ishah (RA) ay nagsabi: "Ang mga mananampalatayang babae ay nagdadasal noon kasabay ng Sugo ni Allah (SAS) ng Salah na pangmadaling-araw. At kapag nakapagsagawa na siya ng Taslim, umaalis sila na nakatalukbong ng kanilang mga balabal at hindi sila nakikilala dahil sa kadiliman."

Sa isa pang Hadith na iniulat pa rin ni 'A'ishah (RA): "Ang mga manlalakbay ay napapadaan sa amin noong kami, kasama ng Sugo ni Allah (SAS), ay mga nasa sandali ng Ihram. Kapag nakasabay nila kami, ibinaba sa mukha ng bawat isa sa amin ang kanyang balabal mula sa kanyang ulo. Kapag nalampasan na nila kami, nag-aalis kami [ng takip sa mukha]."

Sa isa pang Hadith ayon pa rin kay 'Á'ishah (RA): "Kaawaan ni Allah ang mga unang kababaihan ng mga Muhajir (1) dahil noong naibaba ni Allah [ang ayah na ito 2]: '… paabutiin nila ang kanilang mga belo hanggang sa kanilang mga dibdib, …,' hinati nila ang kanilang mga balabal at ipinambelo iyon."

Ang mga patunay ay lubhang marami subalit sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw sa usapain ng Hijab, lahat naman ng mga Iskolar ng Islam ay nagkasundo na ipinahihintulot na ipakita ng babae ang kanyang mukha kung talagang kinakailangan gaya rin naman ng pananaw nilang lahat na hindi ipinahihintulot na ipakita ang mukha kapag ang tukso ay pinangangambahang mangyari. Tanggap din pati sa mga nagpapahintulot na ilantad ang mukha na kailangang takpan ng babae ang mukha niya kapag pinangambahan na magkaroon ng tukso sa paglalantad ng mukha. At kay tindi ng pangamba sa tukso sa panahong ito na labis-labis na at laganap na ang katiwalian, dumami na ang mga suwail kay Allah, pinuno na nila ang mga lansangan at ang mga pook, at ang mga mabubuting tao at ang mga nangingilag magkasala ay naging sila naman ang kakaunti.

Ipinagbabawal din ng Islam sa babae ang makihalubilo sa mga kalalakihang hindi niya Mahram. Ang lahat ng ito ay upang pangalagaan ang moralidad, ang pamilya, at ang dangal. Hangad ng Islam ang pag-iingat at ang pagpipinid ng mga pinto ng tukso at ang udyok sa immoralidad. Ang paglabas ng babae, ang kanyang pakikihalubilo sa mga kalalakihan at ang pag-aalis niya ng Hijab ay siyang mga pumupukaw sa tawag ng laman, magpapadali sa pagbibigay ng motibo para gumawa ng krimen, at gagawa sa krimen na madaling maabot. Sinabi ni Allah (33:33): "Manatili kayo sa inyong mga bahay at huwag ninyong itanghal ang inyong alindog gaya ng pagtatanghal ng alindog noong unang panahon ng kamangmangan.…" Sinabi pa Niya (33:53): "… At kapag tatanungin ninyo sila hinggil sa isang bagay ay tanungin ninyo sila sa likod ng hijab. Iyan ang higit na dalisay para sa inyong puso at sa kanilang puso. …"

Mariing ipinagbawal ng Sugo (SAS) ang paghahalubilo ng mga lalaki at mga babae at hinadlangan niya ang lahat ng bagay maaaring mauwi sa paghahalubilo, pati na sa larangan ng mga pagsamba at sa mga pook sambahan. Maaaring mapilitan ang isang babae na lumabas sa kanyang bahay upang pumunta sa isang lugar na may mga lalaki, gaya halimbawa ng pagkuha ng mga pangangailangan at walang isang gagawa niyon para sa kanya, o ng pagtitinda o pagbili upang matiyak na may maipangtutugon sa pangangailangan ng kanyang sarili o ng mga itanataguyod niya, at iba pang mga pangangailangan. Walang masama kapag tulad nito. Kaya nga lamang kailangang isaalang-alang niya ang mga limitasyong iniatang ng Islam kapag nasa labas ng bahay: lalabas siya na suot ang kasuutang inaayunan ng Islam, natatakpan at hindi nakalitaw ang kagandahan niya, at nakahiwalay sa mga lalaki at hindi nakikihalubilo sa kanila.

Kabilang din sa mga pagsasabatas na ginawa ng Islam upang pangalagaan ang pamilya at ang moralidad ay ang pagbabawal na manatili ang isang lalaki sa isang pribadong lugar, halimbawa'y sa isang bahay o silid, kasama ng isang babaeng hindi siya Mahram nito kapag wala itong kasamang asawa o Mahram sapagkat masidhi ang hangad ni Satanas na sirain ang mga kaluluwa at ang moralidad.

(1) Nandayuhan sa Madinah buhat sa Makakh

(2) Qur'an 24:31

 

Ang Regla

Ang Panahon at Period ng Pagreregla

1. Ang Panahon ng Regla. Ang karaniwang edad ng pagkakaroon ng regla ang isang babae ay nasa pagitan ng 12 taon hanggang 50 taon. Maaari ring magkaroon ng regla ang babae bago mag-12 taon o matapos mag-50 taon depende sa kanyang kalagayan, sa kanyang kapaligiran, at sa klima.

2. Ang Period ng Regla. Walang takdang pinakakaunti o pinakamaraming bilang ng mga araw ang regla.

Ang Pagdurugo ng Nagdadalangtao

Karaniwang humihinto ang paglabas ng dugo sa isang babae kapag siya ay nagdadalangtao.

I. Kapag nakakita ang nagdadalang-tao ng dugo dalawa o tatlong araw bago magsilang at may kasama pang pananakit ng tiyan (labor), ang dugong ito ay Nifas.

II. Ngunit kapag nakakita ng dugo, maraming araw o hindi kaya'y dalawa o tatlong araw bago magsilang subalit walang kasamang pananakit ng tiyan (labor), ang dugong ito ay hindi Nifas at hindi rin regla; maliban kung ang kanyang regla ay dati nang tuloy-tuloy na hindi napapahinto ng pagbubuntis sapagkat kung gayon, ang dugong ito ay regla pa rin.

Ang Mga Abnormalidad sa Pagreregla

May iba't ibang uri ng abnormalidad sa pagreregla:

A. Sa bilang ng Araw: sobra o kulang. Halimbawa: kung ang regular na period ng regla (menstrual period) ng babae ay 6 araw at nagpatuloy ang paglabas ng dugo sa ika-7 araw, ito ay sobra; o kung ang kanyang regular na menstrual period ay 7 araw ngunit huminto ang paglabas ng dugo pagdating ng ika-6 araw, ito ay kulang.

B. Sa pagdating: maaga o huli. Halimbawa: kung karaniwang dumarating ang unang araw ng regla tuwing ika-28 araw at biglang dumating, halimbawa, sa ika-26, ito ay maaga; o kung dumating, halimbawa, sa ika-30 araw, ito ay huli. Oras na makita ang dugo, siya ay nireregla na; at oras na huminto ang pagdurugo, siya ay tapos nang magregla—sumobra man o kumulang ang period ng kanyang regla, o mapaaga man o mapahuli ang pagdating nito.

C. Sa kulay: dilaw o kulay putik. Kapag nakita na ang dugo ay manilaw-nilaw na parang nana o kulay putik: nasa pagitan ng kulay dilaw at kulay itim, at kung ito ay nakita sa loob ng period ng regla o karugtong ng period ng regla bago tuluyang huminto ang pagreregla, ito ay regla na nasasaklawan ng mga alituntunin sa regla; kapag naman nakakita ng manilaw-nilaw na dugo matapos na huminto ang pagreregla, hindi na ito regla.

D. Ang paghinto-hinto ng regla. Halimbawa: Sa isang araw ay makakikita ng dugo, sa susunod na araw ay walang makikita at sa susunod pang araw ay mayroon na naman. Ang ganitong pagreregla ay may dalawang kalagayan:

1. Na ang paghinto-hinto ng regla ay palagiang nangyayari sa isang babae sa lahat ng araw. Ito ay dugo ng Istihadah. Ang sinumang nakakikita nito ay nasasaklawan ng alituntunin sa Istihadah.

2. Na paghinto-hinto ay hindi tuloy-tuloy na nangyayari sa isang babae; dumarating lamang ito sa ibang araw at mayroon siyang mga araw pagkatapos niyon na talagang humihinto ang regla. Ang paghinto ng pagdurugo, kung mababa sa isang araw (24 oras), ay hindi tunay na paghinto ng regla. Kaya alinsunod dito, ang paghinto ng daloy dugo ay kailangang hindi bababa sa isang araw upang maituring ito na talagang paghinto ng regla, maliban kung mayroong nagpapahiwatig ng tuluyang paghinto ng daloy dugo gaya halimbawa kung ang paghinto nito ay nangyari sa katapusan ng period ng regla o nakakita ng puting mucus: likidong parang malinaw na sipon na inilalabas ng matris paghinto ng regla.

 

V. Panunuyo ng dugo. Kung nakadarama ang babae ng pamamasa (wetness) lamang at kung ito ay sa loob ng period ng regla o karugtong ng regla, ang pamamasa na ito ay regla pa rin; at kung pamamasang ito ay nadama matapos na tuluyang huminto ang pagreregla, hindi na ito regla.

 

Ang Mga Alituntunin sa Regla

1. Ang Salah.

Ipinagbabawal sa isang may regla na magsagawa ng Salah na Fard o Sunnah at hindi ito matatanggap mula sa kanya. Hindi niya tungkuling magsagawa ng Salah habang may regla maliban kung may maaabutan siya sa oras ng isang Salah na kahit isang sandaling kasinghaba ng isang buong rak'ah, naabutan man niya ang Salah sa simula ng oras nito o sa katapusan ng oras nito. Ang halimbawa ng naabutan ang oras ng Salah sa simula ay ganito: kapag ang isang babae ay dinatnan ng regla mga isang minuto pagkatapos lumubog ang araw, kailangang magsagawa siya ng Qada' para sa Salah sa Maghrib pagkatapos ng regla at pagkatapos makapaligo dahil may naabutang humigit-kumulang sa isang minuto sa oras ng Salah na ito bago siya dinatnan ng regla. Ang halimbawa naman ng naabutan sa katapusan ang oras ng Salah ay ganito: kapag huminto ang regla ng isang babae mga isang minuto bago sumikat ang araw, kailangang magsagawa siya ng Qada' para sa Salah sa Fajr pagkatapos ng regla at pagkatapos makapaligo dahil may naabutan siyang humigit-kumulang sa isang minuto sa oras ng Salah na ito nang huminto ang kanyang regla.

Ang Dhikr, ang Takbir (pagsabi ng Allahu akbar), ang Tasbih (pagsabi ng Subhanallah), ang Tahmid (pagsabi ng Alhamdu lillah), ang Tasmiyah (pagsabi ng Bismillah) sa pagkain at iba pang gawain, ang pagbabasa ng Hadith o aklat sa Fiqh (Batas at Patakaran sa Islam) o ang pagsambit ng Du'a' (panalangin), ang Ta'min (pagsabi ng Amen), at ang pakikinig ng Qur'an ay hindi ipinagbabawal sa babaeng may regla. Tungkol naman sa pagbabasa ng isang may regla ng Qur'an, kung titingnan lamang niya ang mga nakasulat na talata ng Qur'an at babasahin ito nang hindi binibigkas, ay hindi ito ipinagbabawal gaya halimbawa kapag may nakalagay na kopya ng Qur'an at titingnan niya ang mga Áyah na nakasulat dito at babasahin ito ng tahimik. Ang karapat-dapat para sa may regla ay huwag basahin ang Qur'an nang may tunog maliban kung kinakailangan, gaya halimbawa kung ang may regla ay isang guro at kailangan niyang ipabigkas ang Qur'an sa mga tinuturuan, o kung siya ay isang mag-aaral at mayroong pagsusulit at kailangang basahin niya ang Qur'an bilang pagsusulit sa kanya, at iba pang dahilang tulad nito.

 

2. Ang Pag-aayuno.

Ipinagbabawal sa isang may regla na mag-ayuno ng pag-aayunong Fard o Sunnah at hindi ito matatangap sa kanya, ngunit kailangang magsagawa siya ng Qada' para sa mga pag-aayuno sa Ramadan na hindi niya napag-ayunuhan. Kung dinatnan siya ng regla habang siya ay nag-aayuno, wala nang saysay ang kanyang pag-aayuno sa araw na iyon kahit pa dinatnan siya nito mga isang sandali bago lumubog ang araw. Kailangang magsagawa siya ng Qada' para sa araw na iyon kung ang pag-aayuno ay Fard. Kapag naramdaman naman niya ang pagdaloy ng regla bago pa man lumubog ang araw subalit lumabas lamang ang dugo matapos na lumubog ang araw, ang pag-aayuno niya ay buo at hindi nawalan ng saysay. Kung sumapit na ang madaling araw at may regla pa siya, kailangang hindi siya mag-ayuno sa araw na iyon dahil hindi matatanggap ang kanyang pag-aayuno kahit pa huminto ang kanyang regla mga isang minuto matapos sumapit ang madaling araw. Kapag huminto ang regla bago magmadaling araw, kahit mga isang minuto bago magmadaling araw, kailangang mag-ayuno siya sa araw na ito sapagkat tanggap ang kanyang pag-aayuno kahit pa na nakapaligo lamang siya pagkatapos ng madaling araw.

 

3. Ang Pagsagawa ng Tawaf.

Ipinagbabawal sa isang may regla ang pagsagawa ng Tawaf sa Ka'bah, Fard man o hindi Fard, at hindi ito matatanggap sa kanya. Ngunit ang ibang mga gawain sa Hajj at 'Umrah gaya ng Sa'y sa pagitan ng Safa at Marwah, Wuqof (pagtigil) sa Arafat, Mabit (pagpapagabi) sa Muzdalifah at Mina, ang pagsasagawa ng Ramy sa mga Jamrah, at iba pa ay hindi bawal sa kanya. Kaya alinsunod dito kung nagsagawa siya ng Tawaf habang siya'y walang regla at kaagad na dumating ang matapos niyang magsagawa ng Tawaf o habang nagsasagawa siya ng Sa'y, tanggap pa rin ang kanyang Tawaf o Sa'y.

 

4. Ang Pananatili sa Masjid.

Ipinagbabawal sa isang may regla na manatili sa Masjid.(1)

(1) Ngunit hindi naman ipinagbabawal ang dumaan lamang.

 

5. Ang Pakikipagtalik.

Ipinagbabawal sa isang may regla na makipagtalik sa asawa at ipinagbabawal din na payagan niya ang kanyang asawa na gawin iyon. Subalit ipinahintulot naman ni Allah ang anumang gawain na makapagbabawa ng init ng katawan na hindi humahantong sa tuwirang pagtatalik gaya ng yakap, halik at iba pa.

 

6. Ang Diborsyo.

Ipinagbabawal sa isang lalaki na diborsiyuhin niya ang kanyang maybahay sa panahong ng pagreregla nito. Kung diniborsiyo niya ito habang may regla ito, sinuway na niya si Allah at ang Sugo (SAS) at nakagawa siya ng isang ipinagbabawal. Kaya sa sandaling iyon, ay kailangang balikan niya ang kanyang maybahay at panatilihin ito sa kanyang piling hanggang sa matapos ang regla nito at saka niya diborsiyuhin ito kung nais niya. Ngunit ang lalong karapat-dapat ay hayaan niya muna itong magregla sa ikalawang pagkakataon at kapag natapos na ang regla nito ay pananatilihin niya ito sa kanyang piling kung nais niya o diborsiyuhin ito kung nais niya rin.

 

7. Ang Paligo.

Kailangang maligo ang isang babae kapag huminto na ang kanyang regla. Hindi na niya kailangang kalagin sa pagkatirintas ang kanyang buhok maliban kung napakahigpit nang pagkakatali at baka hindi na makarating ang tubig sa anit ng ulo. Kapag huminto ang kanyang regla sa oras ng Salah, kailangang magmadali siyang maligo upang maabutan niya ang pagsagawa ng Salah sa oras nito. Kung siya naman ay naglalakbay at wala siyang makitang tubig o kung may tubig man ay nangangamba siya na baka makasama sa kanya ang paggamit ng tubig, o kung siya ay may-sakit na makasasama ang paggamit ng tubig, magsasagawa na lamang siya ng Tayammum sa halip na maligo at kapag nawala na ang mga hadlang sa paligo ay saka siya maligo.

 

Ang Istihadah

Ang Istihaadah ay ang patuloy na pagdurugo na hindi na talaga humihinto o kung humihinto man ay sa loob lamang ng maikling panahon: isa o dalawang araw sa loob ng isang buwan. At ayon sa ibang mga Iskolar ng Islam ang pagdurugong humigit pa sa 15 araw ay Istihadah na maliban na lamang kung ang kanyang regular na period ng pagreregla ay mahigit sa 15 araw.

 

Ang Tatlong Kalagayan ng Babaeng may Istihadah

1. Na mayroon siyang regular na period ng regla noong bago siya nagkaroon ng Istihadah. Kaya naman siya ay babatay sa dating regular na period ng regla niya, ituturing niyang may regla siya sa panahong ito, masasaklawan siya ng mga alituntunin sa pagreregla, at ang iba pang pagdurugo ay Istihadah na saklaw naman ng mga alituntunin para sa babaeng may Istihadah.

Halimbawa: May isang babae na dinadatnan noon ng regla tuwing ika-28 araw at nagtatagal ng anim na araw ngunit bigla siyang nagkaroon ng Istihadah at ang pagdurugo ay patuloy nang dumarating. Kapag nagkaganito, ang regla niya ay anim na araw na nagsisimula tuwing ika-28 araw at ang pagdurugong iba pa rito ay Istihadah na. Kaya alinsunod dito, ituturing ng babaeng may Istihadah, na dati namang may regular na may regla, na may regla siya na kasingtagal ng dating regla. Pagkatapos nito ay maliligo na siya at saka magsagawa ng Salah at hindi na niya bibigyang pansin ang lumalabas na dugo.

2. Na wala siyang regular na period ng regla noong bago siya nagkaroon ng Istihadah. Ang Istihadah ay tuloy-tuloy na sa kanya mula noong unang makita niya na lumabas ang dugo sa unang pagkakataon. Sa ganitong kalagayan ay magsasagawa siya ng pagkikilatis: ang dugo ng regla ay nakikilala sa kaitiman ng kulay o kalaputan o pagkakaroon ng amoy. Kung mayroong kahit isa man lamang sa tatlong katangiang ito, ang dugo ay ituturing na regla na saklaw ng mga alituntunin sa regla at ang dugo naman na iba pa rito ay Istihadah na saklaw naman ng mga alituntunin sa Istihadah.

Halimbawa: May isang babae na mula noong unang makita niya na lumabas ang dugo sa unang pagkakataon ay nagpatuloy na ito sa kanya subalit may nakikilatis siyang pagkakaiba: (A) napapansin niya na ang dugo sa loob ng sampung araw, halimbawa, ay kulay itim at sa nalalabing mga araw ng buwan ay kulay pula naman, (B) o napapansin niya na ito sa loob ng sampung araw, halimbawa, ay malapot at sa nalalabing mga araw ng buwan ay malabnaw naman, (C) o napapansin niya na ito sa loob nang sampung araw, halimbawa, ay may amoy at sa nalalabing mga araw ng buwan ay walang amoy naman. Sa ganitong kalagayan ang kanyang regla ay ang dugong kulay itim sa unang halimbawa, ang dugong malapot sa ikalawang halimbawa, at ang may amoy sa ikatlong halimbawa; ang anumang iba pa sa mga ito ay Istihadah na.

3. Na wala siyang regular na period ng regla at wala rin siyang angkop na batayan sa pagkikilatis. Ang Istihadah ay tuloy-tuloy na sa kanya mula noong unang makita niya na lumabas ang dugo sa unang pagkakataon at ang dugo ay may isang katangian lamang (hindi nagbabago sa kulay o amoy o lapot) o may mga katangiang nakalilito na hindi maaaring maging katangian ng regla. Sa ganitong situwasyon, siya ay babatay sa period ng regla ng nakararaming babae kaya ang magiging period ng regla niya ay anim o pitong araw sa bawat buwan na nagsisimula sa unang araw ng period na una niyang nakita ang dugo. Ang dugo pagkatapos ng Period ay Istihádah na.

 

Ang Mga Alituntunin sa Istihadah

Ang mga alituntuning sumasaklaw sa Istihadah ay katulad ng sa sumasaklaw kapag walang regla. Kaya walang pagkakaiba ang mga babaeng may Istihadah sa ang mga babaeng wala sa sandali ng pagreregla maliban sa mga sumusunod:

1. Kailangang magsagawa ng Wudo' sa bawat Salah ang babaeng nasa sandali ng Istihadah,

2. Kapag nais niyang magsagawa ng Wudo', kailangang hugasan niya muna ang bakas ng dugo sa underwear at maglalagay sa ari ng bulak (o sanitary napkin) na pampigil sa daloy ng dugo.

 

Ang Nifas at ang mga Altuntunin Rito

Ang Nifas ay dugong inilalabas ng matris dahil sa panganganak, na maaaring lumabas habang nanganganak, o matapos manganak, o mga dalawa o tatlong araw bago manganak at may kalakip na pananakit ng tiyan (labor). Ang babae ay Tahir (1) na kapag huminto na ang kanyang pagdurugo. Kapag sumobra pa sa 40 araw ang pagdurugo, maliligo na siya pagkatapos ng ika-40 araw sapagkat ito ang pinakamahabang panahon ng Nifas kahit ang pagdurugo ay patuloy pa rin, maliban kung ang pagdurugo na sumobra sa 40 araw ay regla dahil kapag nagkagayon ay maghihintay siya hanggang sa matapos ang regla at pagkatapos ay maliligo siya.

Maituturing lamang na Nifas ang pagdurugo kung nagluwal ang isang babae ng isang may malinaw na anyong tao. Kaya kung nakunan siya at nagluwal ng maliit na fetus na walang malinaw na anyong tao, ang pagdurugo matapos makunan ay hindi dugo ng Nifas kundi dugong galing sa ugat at ang alituntuning sasaklaw sa kanya ay ang alituntunin sa Istihadah. Ang pinakamaikling panahon na magiging malinaw ang anyong tao ng fetus ay 80 araw mula nang magdalang-tao at ang karaniwang panahon ay 90 araw.

Ang mga alituntunin na sumasasaklaw sa Nifas ay katulad ng sa mga alituntunin na sumasaklaw sa regla na nabanggit na.

(1) Maaari nang makipagtalik at magsagawa ng lahat ng mga gawaing panrelihiyon.

 

Ang Pampigil ng Regla at ng Pagbubuntis

1. Ang paggamit ng isang babae ng gamot na pampigil ng regla ay ipinahihintulot alinsunod sa dalawang kundisyong ito:

A. Na walang kinatatakutang kapinsalaang maaaring mangyayari sa kanya ngunit kung may kinatatakutang kapinsalaang maaaring mangyari sa paggamit niyon, hindi ito ipinahihintulot;

B. Na iyon may kapahintulutan ng kanyang asawa kung ang paggamit nito ay may makakaapekto sa kanyang asawa.

 

2. Ang paggamit ng pamparegla ay ipinahihintulot alinsunod sa dalawang kundisyong ito:

A. Ang kapahintulutan ng asawa;

B. Na ang layunin ng paggamit ay hindi upang takasan ang mga tungkuling panrelihiyon gaya halimbawa ng paggamit nito upang takasan ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadan, ang pagsasagawa ng Salah at iba pa.

 

3. Ang paggamit ng pampapigil sa pagbubuntis (contraceptive) ay dalawang uri:

A. Ang anumang permamenteng makapipigil sa pagbubuntis ay hindi ipinahihintulot; (1)

B. Ang anumang pansamantalang makapipigil sa pagbubuntis ay ipinahihintulot. Halimbawa: kung ang isang babae ay madalas magbuntis at ang pagbubuntis ay lubhang nagpapahirap sa kanya kaya ibig niyang limitahan ang kanyang pagbubuntis tuwing ikalawang taon, halimbawa, ito ay ipinahihintulot sa kundisyon na may kapahintulutan ng kanyang asawa at wala itong kapinsalaang maidudulot sa kanya.

(1) Gaya ng gamot o instrumento o operasyon na magbubunga ng permanenteng pagpigil sa pagbubuntis.